Ilang ulit kong tinangkang umalis. Ilang ulit kong tinangkang lumimot. Ilang ulit kong ipinanalanging maglaho. Ilang ulit…
Mahabang panahong pinatay ko ang aking pakiramdam at mabuhay sa paniniwalang pilit kong isiniksik sa aking malay. Hindi na ako babalik…
Kahapon, sinamba ko si Gabby. Kahapon, buhay ko si Gabby.
Kahapon.
“Ano ba ang nangyayari sa iyo Ate Michelle, mukhang maputla ka yata?” tanong ni Aiko.
“Wala. Mayroon kasi akong mestruation ngayon.”
“A gano’n ba? ‘Kala ko may sakit ka.”
Kung alam lamang ni Michelle ang tunay na dahilang kagagaling ko lamang sa doctor kasama si Gabby. Katatapos ko lamang iniksyunan ng isang matabang karayom sa pigi. May impeksyon daw ako sabi ng doktor. Nakuha ko raw sa swimming pool. Paano nangyari, ‘yon? E…
Noong isang lingo ay kaarawan ni Gabby. Ibinigay ko ang lahat sa akin kay Gabby para sa kanyang kaarawan. Ang aking Oo, and aking pag-ibig, and aking pagtitiwala, and aking katawam, hawak sa kamay, halik…
Sa parking lot ng Aristocrat Restaurant sa may Dewey Boulevard kami nag-date, August 22. Pagkatapos
inikot namin and Cultural Center at kumain kami. Nag-order kami ng chicken barbecue at Java rice.
Nagayuma yata ako ng pagkain sa Aristocrat.
Sa kagustuhan kong mabigyan ng kasiyahan si Gabby, ay ibinigay ko ang hiling niyang regalo. Regalong tulad sa isang makinang na salaming kahon, regalong parang tumama sa lotto. Ni sa panaginip ay hindi ko inakalang mangyayari ang lahat ng iyon sa Datsun pick up. Sa magarang pick up ni Gabby na tinted ng itim. Dumaplis ang ilang sandali at una kong naisigaw ang aking pagkababae.
Nang gabing iyon, ay sumuko ang buwan. Makulimlim ngunit makulay ang langit. Umuwi akong bawas sa katauhan ngunit may pag-asa sa alay na pag-ibig. Ang akala ko, ang pag-ibig ay walang wakas. Ang akala ko, ito ay hindi maaaring magkaroon ng lamat. Hindi pala. Anuman ay maaaring magbago. Tulad ng pag-ibig, na maaring bugso lamang ng init ng katwan at ng panandaliang pangangailangan ng pagkalinga.
Sa magdamag na iyon ay sumakit ang aking tiyan. Ngunit hind na bale – mahal ko naman si Gabby. Nilagnat ako at kinailangang dalhin sa doktor. Pilit kong inilihim ang aking nararamdaman sa aking mga kasambahay. Papatayin ako ni TiyaPatria at aatakihin sa puso si Inay. Naghintay ako ng bukas.
Kinabukasan nga ay dinala ako sa doctor ni Gabby, sa isang clinic sa Pasay.
Ang impeksyon ay makukuha sa paliligo sa swimming pool o kaya naman ay sa pag-gamit ng public toilet,” sabi ng doktora.
Binigyan ako ng mga gamot ni doktora. Antibiotics at supporitories. Kung paano ko gagamitin ay hindi ko alam.
“Isang suppository sa bawat gabi. Sa isang lingo ay magaling ka na!”
Pagkatapos ay ang iniksyon sa aking pigi. Pagdating ko sa bahay ay tinabunan ko ng mga yelo sa freezer ang mga suppositiories. Tiyak wala nang makakasilip niyon.
Ito marahil ang tinatawag nilang pag-ibig. Ang pagbibigay ng lahat, ng tiwala, ng sarili. Hahamakin ang lahat pati ang mga pangarap. Kakalimutan pati angkan. Ang tanging makikita lamang ay ang larawan ng minamahal, ang tanging iisipin lamang ay ang iniibig.
Ilang ulit kaming kumain sa Aristocrat. Ilang ulit ko ring nakalimutan ang aking mga pag-asa. Ang pangungulila ko kay Itay ay nakalimutan ko na rin. Marahil akala ko si Gabby ay si Itay sa dahilang siya ang tanging lalaki sa mundo na aking ginagalawan. Masaya at mala-bahaghari, ang mga sumunod pang mga araw, puno ng pag-asa hangang mapansin ni Michelle ang kakaiba kong mga kilos.
“Parang lagi kang wala sa sarili, Ate. May dinaramdam ka ano? Love hurts? Huhuhu…” Hindi ako nakapag-sinungaling. Sa lakas ng kabog ng aking idbdib ay naisuka ko ang kinain kong chocolate cake at barbecue.
“Ano ka ba Ate? Bakit hindi mo kayang pigilin ang sarili mo? Susuka ka na rin lang di ka pa tumakbo.”
Napahiya ako. Ngunit masidhi pa doon ay binalot ako ng takot sa titig ni Tiya patria. Mabilis akong tumakbo upang kumuha ng basahan para linisin ang mala-tsamporado kong kalat. Nang malinis na, umakyat ako sa kuwarto. Para akong lilipad. Ngunit hindi bale, basta masaya ako dahil kasama ko si Gabby. Lutang pa ako sa alapaap. Sabi ni Gabby ay mahal na mahal niya ako. Sabi niya hindi niya ako iiwan. Ako raw ang tangi niyang pag-ibig. Ang kangyang mga pangako ang aking nagging pag-asa.
Lumipas ang mga araw, nakiuso ako sa mga artista. Kinailangan ko ang “rush na kasal.” Hindi napigilan ng Levis jeans ang pagbabago sa aking katawan, at hindi rin kayang isuman ng girdle ang pag-lobo ng aking tiyan. Sabi ni Tiya Patria at ni Inay ay pa-check up daw uli ako, pilit umaasang hindi ako buntis.
Nagmadali kami ni Gabby. Pareho naming gusting takasan ang mga tao sa aming paligid. Sabay kaming walang muwang na nakipag-sapalaran sa maraming bakit at paano sa murang silakbo ng aming kabataan. Hinahanap ko si itay. Sinasakal naman siya sa mga responsibilidad ng kanilang negosyo.
Walang natuwa sa aming kasal. Hindi ang pamilya niya, lalong hindi ang pamilya ko. Sa motif na dilaw, misa sa Filipino at barong Tagalog para sa aming mga abay ay nairaos ang kasal sa isang malaking simbahan at ang piging sa isang sikat na restoran. Masaya at malungkot, sapagkat noong oras ding iyon ay maraming tanong na nabuo sa aking isip – pag-aalinlangan, at walang katiyakang bukas.
Hindi ko maipinta ang larawan naming dalawa sa altar. Hindi kaya pareho kaming napilitan lamang upang takpan an gaming kahihiyan? Mayroon akong pagaagam-agam. Marahil si gabby rin. Marahil pareho kami. Dumating siyang huli ng 30 minutos sa kasal. Naghintay ako sa kotse ng 30 minutos. Nakakatawa. Nakakahiya.
Sa Simbahan.
Pangalawang beses na aking piging sa simbahan. Ang una ay ang binyag. Pangalawa ay ang kasal.
Sa aking kasal ay hindi ko alam kung bakit di ko tinakpan ng belo ang aking mukha sa pagpaso patungong altar. Ininhatid ako ni Tiyo Waldo, ang kapatid na abogado ni Inay. Ang mukha ni Tiyo Waldo ay lukot tulad ng kanyang hitsura minsang natalo siya sa isang kasong hinahawakan.
Sabi ng pinsan ni Gabby ay takpan ko daw ang aking mukha ng belo dahil iyon ang kaugaliang Pinoy. Espesyal ang belo para sa okasyon, sagisag na ang nobya ay birhen.
“E anong takip-takip ang kailangan?” tanong ko. Kaya nga kami pakakasal ay sa dahilang may kailangan kaming saguting responsibilidad. Kaya bang sagutin ng belo ang tunay na pagmamahal? Parang gusto kong isigaw. Batid ko, ako ay birhen kaya nga ako pakakasalan ni Gabby. Taya ko ang aking sarili.
“Makiuso tayo,” ang patukso kong sagot sa pinsan ni Gabby. Moderno na ngayon. Gusto ko talagang makiuso. Sa kasal na ito ay ako ang masusunod. Abot-langit ang aking ngiti parang masayang-masaya.
Pagdating ko sa altar, at sa paghawak kamay at palitan ng aming mga singsing ay nagdilim and langit. Kasabay ng aming mga Oo ay kumulog ng malakas!
Kodakan. Maraming bisita. Mabilis ang mga pangyayari. Parang gusto kong maglaho. Sa ibang ikinakasal ang dasal ay huwag matapos ang gabi, sa akin ay sana matapos na. Nagsabuyan ng bigas at mga confetti ang mga bisita. “Mabuhay ang bagong kasal!” Sa mga pagkakataong iyon ay hindi ko alam ang aking gagawin. Simula noon natuto akong ngumiti kahit hindi kailangan.
Maraming taon kaming nagsama ni Gabby.
Masaya. Malungkot. Iba’t-ibang drama sa buhay. Sayang. Hindi pala kami para sa isa’t isa. Ngunit iyon ang guhit ng kapalaran – marahil may ibang dahilan ang langit.
Puno ng inggit ang puso ko sa haba ng mga taon naming mag-kasama. Inggit sa aking mga kahati. Pagsisisi ngunit pagwawalang-bahala. Pagtanggap sa katotohanan.
Sa mahabang panahon tumira ako sa loob ng rehas.
Nabuhay akong puno ng takot na baka ako ay mawala o kaya ay maligaw. Nabalot ako sa takot ng pag-iisa. Hanggang minsan sa paghihintay ko ng gabi nang madama ko ang matinding pangugulila sa loob ng rehas ay kumawala ang lahat sa aking pagnanasang lumaya. Binagtas ko ang dilim at humanap ako ng liwanag.
Inakyat ko ang matarik na nakakandadong gate na aking nabuo… sa bawat araw, sa bawat taon. Hawan ko ang mga tinik sa paligid nga mga rehas. Ang naisip ko, mahulog man ako, dala ko ang bendisyon ng langit.
Alas tres ng hapon: Sa pagod kong bunting-hininga, tiniyak ko, hindi na ako babalik.
Ito ay fiction story; ang mga pangalan ng mga tao sa fiction story ay gawa lamang ng imahinasyon.
First published in Tinig 4. ng Katinig, 2005
Katinig Writer's Workshop, Salamat
No comments:
Post a Comment