Sunday, December 8, 2013

December 9. Sa Gulod ng Makiling


Sa Gulod ng Makiling

Sa gulod ng Makiling ay maraming kakakibang bulaklak. Mala-bahaghari ang mga kulay nito, at iba’t ibang klase ang mga bulaklak. Ang kuwento ng mga taga-makiling ay may matandang maputi ang buhok na nagdidilig ng mga bulaklak tuwing hatinggabi.

Minsan may isang dalagang pumitas ng abuhing makintab na mga rosas. Ibinigay raw ito ng dalaga sa Nanay niyang may sakit. Gumaling ang Nanay. Ang pinag-pitasan ng mga abuhing rosas ay nagkaroon pa ng maraming suloy at mga sanga.

Tuwang-tuwang raw ang matandang sa gulod.

Minsan naman ay isang bata ang kumuha ng mga orchids para ipalamuti sa grotto ni Santa Maria sa kanilang bahay. Umusbong raw sa paligid ng bakuran ang mga orchids. Tuwang-tuwa uli ang matanda at lalong walang patid ang pagdidilig gabi-gabi. Marami raw ang nakakakita sa ibayong pagdidilig ng matanda na mga taga-Makiling.

Takot lamang silang lumapit dahil kapag nagdidilig raw ang matanda ay madulas sa gulod at may napipilayan sa pagkakadapa. Nahihirapang makalakad muli.

Ngunit minsan isang hapon ay may isang binatang dayuhang pumitas ng mga bulaklak at inialay sa isang kasintahang dalaga. Ang pinagpitasan raw nito ay nangamatay. Bumaho raw ang paligid ng isang araw. Ang dalagang pinagbigyan ay nagka-sakit ay namatay ng tuluyan. Ang dahilan: Hindi nagging tapat ang binata sa dalaga. Hindi nila alam ang nangyari sa binata at may balitang nawala siya sa kanilang tirahan.

Kaya ingat na ingat ang mga taga-Makiling pumitas ng mga bulaklak sa gulod sapagkat magkamali raw ng pagbibigyan o ang magibibgay ay may kasamang mahigpit na babala ang matandang nagdidilig gabi-gabi.

Nag-usyoso ako sa gulod. Sinubukan kong pumitas ng isang malusog at kaakit-akit na bulaklak. Naghintay ako ng dilim, wala naming tao. Marami pa akong pinitas, para akong namili galing Baguio o Dangwa.



Itinanim ko sa bahay ampunan ng mga madre ang ibang sanga. Sabi sa bahay ampunan lumago raw ang mga itinanim na bulaklak at inaalagaang mabuti ng mga bata. Pagbalik ko sa gulod nakita ko ang pinagkunang lalong sagana sa bulaklak. Totoong ngang nakabungad ang kumpol kumpol na mga bulaklak at maraming basang damit sa gilid. Kinuha ko ang ilang damit. Dinala ko sa mga madre. At simula noon tuluyang nawala na raw ang matanda sa gulod.

Aug 18, 2006
copyright Rose Flores - Martinez
revised 11.19.2009

No comments:

Post a Comment