Thursday, December 4, 2014

Three Scary Stories in Filipino

Three Scary Stories in Filipino








REBECCA

Kuwento ni Rose Flores – Martinez
30 Piling Kuwento 2003
Editor: Danilo S.Meneses
Introduksiyon ni : Reynaldo S. Duque

Makikita pa rin ang maraming bundok sa daan papuntang Bicol. Hindi maikakaila ang masukal na mga lugar. Sa bintanang salamin ay matatanaw ang lumang simbahan, na parang makapapasong tingkad ng liwanag, dala ng sinag ng pusyawing asul na ilaw ng krus sa gilid ng bundok.

Hindi ko maitago ang pagkamangha sa ganda ng kislap ng pusyawing asul na ilaw ng krus, hindi rin makapagsisinungaling ang aking damdamin.

Maganda nga, napakaganda ng kinang ng liwanag, ngunit sayang at hindi ko man lamang nadama ang hiwaga nito. Malamig ang dampi ng hangin sa paligid, may init ang sinag ng pusyawing asul na ilaw – katulad ng magkahalong lungkot at saya na aking nararamdama. Kung hindi nga lamang dahil kay Lola Basya …

Ano iyon? Mga ibong gubat? Marami pa ring ang mga kikik na nakakubli sa hinganteng mga punong kahoy sa gilid ng kabunkukang aming dinaraanan, pumupuno sa puwang ng iilang bahay sa tabi ng parang.

Kaya nga ba maririnig and mga usap-usapang nakakatakot at mga kuwentong hindi kapani-kapaniwala. Natatandaan ko ang mga kahiwagaan sa San Jose – ang mga engkanto, ang mga lamanlupa. Natatandaan ko rin ang pagkamatay ng isang malayang kamag-anak na tinatawag kong si Lolo Dado. Isang makisig at matandang lalaki nang magkasakit ay unti-unting namayat. At sabi-sabi, kapag gabi ay may makikitang aaali-aligigd na maga aso at baboy sa silong ng kanilang dampang bahay.

“Kain ka,” sabi ng katabi ko sa upuan.

Hindi ako makatanggi sa pag-abot niya sa akin ng kanyang kinakaing mani. Nakita ko ang masarap niyang pagnguya at pagkagat sa malulutong na butil.

“Salamat.”

“Sige dagdagan mo pa.”

“Tama na sa akin ito. May sira kasi ang aking mga ngipin kaya hindi masyadong makakagat ng matitigas.”

Nagsinungaling ako. Ang totoo, sa pagkuha ko ng ilang butil ay amoy na amoy ko ang matinding pagkagisa nito sa bawang. Ayaw ko ng bawang! Bagamat sa pagdaan ng panahon ay natuto rin ako na paunti-unting tumikim nito.

“Taga-rito ka rin ba?” tanong ko.

“Hindi. Dadalaw at magbabakasyon lamang. Maganda kasi rito sa Camarisnes Sur, lalo ang mga dagat. Talagang probinsyang-probinsiya. Maganda ang lahat, ang mga Bicolana – tulad mo! Kaya lang ang paligid, kung minsan ay nakakakilabot, masukal ang mga bundok. Sabi nga, marami raw ditong ‘anlayug’?”

Hindi ako sumagot. Minadali ako ng sigaw ng konduktor sa pagtigil ng bus mismo sa tapat ng aming malaki at lumang bahay. Nakalimutan ko tuloy ang magpaalam sa aking katabi. Parang kumukulog ang aking diddib sa lakas ng pintig ng aking puso. Nasasabik akong makita si Lola. Ang pag-ihip ng mabangong hangin sa aking mukha ay tila isang halik na nakapagpapasigla. Totoong takot akong umuwi, mayroon akong pangamba, ngunit iba ang sinasabi ng aking kaloooban. 

Halos lumipad ako papunta sa pintuan.

“Tapo po…Tapooooooooo…..!”

Bumukas ang pinto at sinalubong ako ng isang matandang babae.

“Magandang tanghali po…po!” ang bati niya.

“Kayo ba ang bagong katulong?”

“Ako nga…Ako si Tessie na inirekumenda ng inyong katiwalang si Blandina.”

Tinitigan ko siya mula ulo hangaang paa. Matandang posturyosa! Napansin ko ang kanyang mapupulang labi dahil sa lipstick.

Binati ko si Tessie nang papuring may kasamang pa-insulto. “Para pala kayong artista, pinagsamang Rosanna Roces at Ai-Ai!”

Ngumiti siya, tuwang, tuwa dahil napansin ko. Nagliwanag ang dati’y nanlilisik na mga mata. Dahan-dahan, may pag-arteng hinaplos ang buhok na nagtatayuang parang alambre sa tigas.

“Ang dilim naman. Bakit sarado and bintana, ang aga-aga pa?”

“Malamig. Bawal malamigan si Lola.”

“E, and mga ilaw, bakit hindi ninyo buksan?”

Sinindihan ko ang mga ilaw, inikot ko ang bahay upang mabuksan lahat ng switch para magliwanag. Pinagpagan ko ang mga mesa at tinanggal ang alikabok at mga sapot ng gagamba na nakadikit sa mga sulok. 

Pagkatapos, hindi ako nagpaliban pa ng mga sandali para Makita si Lola Basya. Ito ang panahong aking pinakahihihtay. Marahil ito na, ang panahong aking pinakahihintay…
“Kumusta ka, Lola? Andito po ako si Rebecca, ang inyong paboritong apo,” ang aking bulong sa kanyang malalapad na tainga habang lumalapat na marahan ang aking labi sa kanyang noo, sa kulubot na pisngi, sa pagod na mukha.

Nangatal ang aking laman sa hitsura na bumungad sa akin. Payat na payat ang matanda. Maitim ang kaniyang mga kuko at labi, hirap sa paghinga at mahinang-mahina. Parang may hinihintay. Wari ay maghihintay pa…

Ang lungkot na aking nadama ay hindi ko maipaliwanag. Sa muling paghalik ko sa kanyang noon ay may tumutulong luha sa mga mata nang naramdaman ko ang isang kalabit.

“Magme…meryenda ka muna, Rebecca,” sabi ni Tessie na nagdudumaling pabalik sa kusina. Sinundan ko si Tessie ng tingin hanggang matapat sayi sa salamin at kung paano nag-iba ang anyo ng kanyang mukha ay hindi ko alam. Pumapangit ang hitsura niya, lumalaki and mga mata, humhaba ang dila at tumatayo ang mga buhok. Guni guni?”

Sa isang kisapmata, napasunod ako sa mabilis na paglakad ni Tessie, ni Manay Tessie. Nakalimutan ko ang lahat. Ang napansin ko lamang ay para siyang dala ng hangin. Maliksi ngunit walang ingay ang mga yabag. Pagkatapos, gumuhit muli sa alaala ko ang lahat sa pagkalam ng aking sikmura. Hindi ko na hinintay ang paglamig ng mga pagkain.

Nanonood si Manay Tessie sa aking pagsubo, tinitingnan ang aking pagnguya. Nakangisi. Tuwang-tuwa.

“Ma… masarap?” tanong niya.

“Oo. Sino bang nagluto ng mga pagkain dito? May mga katulong ba galing sa bukid? Si Blandina?”

“Ako na rin. Sabi kasi ni… ni Blandina ang bilin mo raw ay huwag nang kumuha ng iba pang katulong…”

“Masarap ka palang magluto. E, kumusta nama ang pagkain in Lola?”

“Mahirap ngang pakainin si Lola Basya. Ang lagi kong ibinibigay sa kanya ay ang nasa.. sa latang pagkaing gamut na inireseta ni Dr. Rosales.”

“Ganu’n ba? Ano ba ang sabi ng doctor?”

“Talaga raw ganyan. Baka naman iba ang gu-gusto ng Lola mo…”
Hindi ako nakasagot. Sa pakiramdam ko, siya ay nanunuya. Hindi ako tanga. May itinanim na palaisipan para sa akin si Tessie. Nag-init ang aking mga tainga, bahagyang sumulak ang aking dugo, namula ang aking balat sa inis. Tiningnan ko si Manay Tessie ang matalim, parang mangangaing aking titig, tagos sa mabilis na kurap ng kanyang mga mata. Napayuko siya. Napahiya. Pagkatapos ay nakita kong may isang basong tubig na ako sa mesa.

“Mamayang alas-siyete, baka pupunta uli si Dr. Rosales. Makabubuting kayo na po… pooo.. ang makipag-usap,” sabi ni Tessie.

“Linisan mo na lamang dito,” ang aking madiing utos.

Inis pa rin ako. Sa malakas na boses ay ipinakita kong ayaw ko sa kanyang pabalagbag na sagot. Ako ang amo, ako ang dapat masunod. Hindi ako dapat pangunahan.

“Simula ngayon, ako na ang mag-aalaga kay Lola Basya. At siya nga pala, huwag mong patayin ang ilaw sa kanyang silid.”

Pilit kong pinigil ang aking sarili sa pakikipag-usap sa kanya kaya nalunod ako sa katahimikan. Naisip ko ang lungsod. Kapanglawan ang tanging yumakap sa akin habang nakatitig ako sa pagkakahiga ni Lola. Malapit na… Iiwan niya ako.

Si Lola Basya. Si Lola Basya ang nag-alaga sa akin buhat nang ako ay maulila. Ginawa niya ang lahat para ako ay makapamuhay nang masagana at tahimik sa kabila nang sabi-sabing lintek na sumpa sa aming angkan. Hindi rin siya nagkulang sa pagpapa-alala sa akin tungkol sa kabutihan at tiwala sa Maykapal, kahit alam niyang ako ay may tinatagong poot at hinanakit.

Nagtatampo ako… sa simbahan. Ngunit umaasa at naniniwala. 

May lagay na napakalaking krus si Lola sa isang lugar ng aming bahay, tulad ng pusyawing krus sa simbahan. May mga angel na palamuti sa bawat sulok nito at tinakpan ng mga luma at makutim ng tela. Natabunan ng alikabok.

Tinanggal ko ang mga tela.

“Hindi kita bibiguin, Lola.”

Narinig ko ang ugong ng electric fan sa silid ni Lola Basya. Ang ingay na ito na tanging bumabasag sa katahimikan ng paligid. Umaalingawngaw ang ugong sa maluwang na kabahayan na kinukurtinang ng asul.

“Isa… dalawa.. tatlo…nararamdam ko pati ang pagpihit ng malaking orasan. Malapit na nga. Halos pahiramin ko ng pahininga si Lola at isipin kung mabuti sa kanyang pisilin ang kansyang ilong para matapos ang kanyang paghihirap? Malakas ang aking kaba. Lumalakas sa paghihintay kung ano ang sunod na mangyayari.

Gusto kong bulabugin ang langit! Gusto kong isigaw ang aking mga tanong. Lagi akong nagtatanong, laging nagtatanong sa Diyos kung bakit kami ay kanyang pinabayaan. Hindi maarok ng aking isipan ang mga kakaibang pangyayari sa mga pagsubok na ito. Pilit kong iniintindi ang kahiwaagaan, ang mga sakit sa aming buhay, na hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan at mahanapan ng lunas.

“Re… Rebecca! Manood naman tayo ng TV. Tapos na ako sa aking mga gawain.” Naistorbo ako sa aking pag-isiip at pagkakaupo sa ulunan ng kama ni Lola.

Sumusulpot si Manay Tessie nang pabigla-bigla. Noon, napabulaslas naman ako ng halakhak sa bigla niyang pagharap sa akin. Napagmasdam ko ang kanyang napakaputing mukaha na parang pinadukdok sa arina.

“Sige, buksan n’yo na nga.!”

“Alam mo ba? La…..la…. lahat ng Channel ay mayroon dito sa atin. Kaya ng lamang ay malabo. Ang marami ay….ay mayroon na ring cable channels na kanilang tinatawag. Sila mayor yata ang unang nagkaroon dito.”

Namangha ako. Sa hitsura niya’y parang hindi niya alam ang cable ngunit… masyado yata akong makapag-isip. Itinuon ko na lamang ang aking atensiyon sa pinapanood na palabas. Naguguluhan ako. 

Maya maya pa, sa kagagala ng aking mata ay muli kong napagmasdan ang matandang katulong. Napansin ko ang langis sa kanyang mga payat na braso, sa kanyang mga binti. Lalong pinakikintab ng langis ang kaliskis sa balat ng kanyang mga paa. Nagpapadulas…

Pagkasuklam ang nararamdaman ko para kay Manay Tessie sa pagtuklas ng maraming bagay tungkol sa kanya. Tulad ng pagtalikod niya kapag matatapat sa malaking krus. May kakaibang amoy rin na iniiwan ang haplas niyang langis. Mabaho. Sabi niya, ito raw ay parang Omega Balm, gamot sa nananakit na mga buto at kalamnan.

“Ang mga aswang ay may ritwal na ginagawa,” kuwento ni Lola Basya. “Kailangan sila ay maghaplos sa buong katawan bago magpalit ng anyo.”


Inusisa ko ang pangalan ng panghaplos ni Manay Tessie. “Ang baho-baho! Bukas bibigyan kita ng lotion para mabango ka!” sabi ko.

“Sa i…Instsik ‘to…Hindi ko alam ang pangalan . Sa sitsiriya ko nabili noong nakaraang piyesta. Malansa ba? Bibigyan mo ako ng bagong lotion? Kung gusto mo imamasahe pa kita, Rebecca.”

Lalapit na sana siya sa akin ngunit pinigil ko. Pagkatapos may nakita ako ng mga posporo sa paligid niya na nangaghulugan habang ang isang istik ay ginamit niyang parang toothpick.

“Ang mga istik ng posporo ay ginagamit nilang pampalakas. Ito ay babala ng isang aswang,” naalala kong muli ang kuwento ni Lola.

Sa mga oras na iyon, matalim ang titig sa akin ni Manay Tessie. Ang singkitin niyang mga mata ay parang nagdiringas at tulala habang kinukutkut niya ng posporo ang kanayang ngipin. Nakita ko rin ang posporo na pula ang dulo, kasing pula ng dugo. Hindi ko lang pinansin. Pagkatapos hindi ko na napigil ang antok.

Kinaumagahan dalang-hangin na naman si Manay Tessie na papalapit sa akin. Inilalantad niya sa aking harapan ang bila-bailaong mga prutas na galing sa bukid. Inaalo ako. Bakit?

Mabilis ang tiktak ng orasan. Hindi ko iniwanan si Lola Basya hanggang sa paglubog ng araw. Hindi ko rin kinausap ang matandang katulong sa buong maghapon tulad ng dati. Nagpakitang gilas si Tessie. Sa dapithapon ng maayos na ang lahat ng kanyang trabaho ay nagpaikut-ikot naman siya sa bakuran. Nakita ko ang kalungkutan sa kanyang mukha na nakatingala sa langit. Nag-iisip parang nagmamakaawa…

Tumabi akong muli kay Lola. Inayus-ayos ang higaan niya. Tumingala din ako sa langit, sa itaas – at katulad ni Manay Tessie ay nagmakaawa…

“First Friday pala ngayon,” bulong ko sa aking sarili. Dinapuan na naman ako ng lungkot. Hinaplus-haplos ko si Lola Basya.

Madilim na. Malakas ang hangin sa labas. Maraming ibon. Tahimik ang gabi. Bilog ang buwan. Ang liwanag ay sumusungaw sa maliit na kawang ng bintanang kapis. Nakakahalina ang liwanag. Hindi ako mapakali. Maya-maya may nakita akong asong itim sa gilid ng bakuran. Mala-dambuhala, kaya isinarado kong mariin ang mga bintana.

Mabilis, may nag-udyok sa akin para lumabas ng kuwarto. Natigilan ako. Wari ay may humihila sa aking mga paa papuntang pintuan. Sinigurado kong nakakandado ang lahat ng mga pinto at itinarangka itong mabuti. Binuksan kong lahat ang mga ilaw. Ang aming bahay ang pinakamaliwanag sa buong San Jose! Parang piyesta, parang may prusisyon ng Santakruzan sa tapat!

“Nakahanda na ba ang mesa? Manay! Manay!”

Hangos ako sa paghahanap kay Manay Tessie. Takbo ako papuntang kusina. “Ayyy, naku!’andiyan ka na pala bakit hindi ka nagsasalita?”

May apoy ang mga titig niya. Nakapapaso. Nagsimulang magtayuana ng kanyang mga buhok, kumpul-kumpol. Natatandaan ko ang mukha niyang nakakatakot ng makita ko ang kanyang mukha sa salamin sa sala., noong ako ay bagong dating.

“Ano ang tumutulo sa iyong damit?”

“Regla!” Nagdudumali si Manay Tessie. Hinila ko ang kanyang kamay at kinaladkad papuntang sala, pinaharap ko sa malaking krus. Pilit siyang nagpupumiglas. Hinila ko ang kanyang buhok na nangagtatayuan. Dahan-dahan, parang nahahati ang kanyang katawan na nagpausbong sa luwang ng kanyang damit…

“Dugo ‘yan ni Lola!”

“Bakit? Di ba gusto mo rin ng dugo?”

“Walanghiya!”

Umikot ako sa hangin at tinadyakan ko si Tessie ng malakas, malakas na malakas. Paulit-ulit. Pagkatapos ay mabilis akong nagpunta sa kusina.

Pabalik, hinarap ko si Tessie…

Ilang sandali pa mahinahon na ang hangin. Nalilito ako sa susunod na gagawin. Ang natatandaan ko lamang ay ang simbahan… ang pusyawing asul na ilaw ng krus.

Sabi ni Lola, ang simbahan daw ay luklukan para makapagbagong- buhay. Ito raw ay may kapangyaringhang bendisyon sa unang iyak pa lamang ng sanggol hanggang sa huling hantungan ng kaluluwa.






Kuwento ni Rose Flores – Martinez
30 Piling Kuwento 2003
Editor: Danilo S.Meneses
Introduksiyon ni : Reynaldo S. Duque

**************************************************************************


Sa Aking Silid

Ramdam ko ang pait at pagmamalupit ng panahon sa akin. Sa tuwing ako ay lilisan palabas ng aking silid, may kahalong lungkot at ligaya tarak sa aking puso. Tila ako ay binalutan ng tinik sa dibdib.

Simula noong ako ay bata pa sa pagpasok ng aking silid may kaba at takot na laging umaamba sa paligid, parang usok na lumalaki.

Si Ama ay isang kilalang tao sa lipunan. Mataas ang tingin ng mga taga-bayan sa kanya, maging ang kanyang mga kakompetensya sa San Gabriel. Sa araw araw na ginawa ng Diyos, masaya ang mga taong dumadalaw sa aming bahay na lagging may pagdiriwang na nagaganap. Mahal na mahal si ama mga taga- San Gabriel. Mahal din ni Ama si Ina… at ako. Maraming tao ang natulungan ni Ama. Mahirarap man o mayaman, walang pinipiling tulungan. Maraming krimen din ang nalutas. Maliban lamang sa kaso dito sa aming bahay. Iyan ang lihim.

Sa aking silid, pinid ang durungawan. Ang mga ala-ala ng aking nakaraan ay hindi maungkat. Ayaw kong maungkat muli ang mga ala-ala ng aking Ina. Maging si Ama ay ayaw ding makaalis sa mga alaala ng silid na ito.
Si Inang may mala-rosas na kutis, makintab, maitim at mahabang buhok, mapupulang labi. Hindi maiwasang ang mga kalalakihan dito sa amin ay mabihag ng kanyang kagandahan.
Isang gabi ng Disyembre, ako at si ina, ay bumili sa Quiapo. Pumili kami ng mga parol para sa pasko at pangregalo sa mga kaibigan, kamaganak at mga kasamahan. Marami kaming nabiling mga baso. Tuwang tuwa ako noon. Hindi ko makalimutan ang mga sandaling kapiling ko ang aking ina. Hawak ko ang kanyang palad na parang unan . Maligaya ako kapag magkasama kami ni Ina . Dama ko din ang seguridad na may gumagabay sa akin. Mula sa kanyang mga pangako na “hindi niya ako pababayaan” ay mga salitang nagpapalakas sa akin.

Sa pag-uwi sa aming bahay galling sa Quiapo ay mahigpit pa ang hawak kamay namin ni Ina. Kumalas ako sa napansin kong kaunting liwanag galing sa siwang n pinto na aking silid. Ngunit hindi ko pa rin ito binigyang pansin. Iniwanan ko muna si Ina sa tabi ng pintong my kawang, at hinayaan ni Inang kumalat ang liwanag mula sa ilaw ng maliit na kandila ng aking silid.

Ngunit . . . ano ito? Bigla akong nakarinig ng malakas na sigaw ni Inang, “Tulong, tunlong!” Nakita ko ang anim na kalalakihan sa paligid. Ginapos is Ina. Agad akong tumakbo patungo para magligtas. Ngunit sa aking murang edad, wala akong nagawa sa anim na kalalakihan. Umiyak at sumigaw, “Ama, Ama ... tulungan mo kami…” Walang si Ama. Walang taong sa bahay. Walang nakarinig.
Ang mga haling ang kaluluwa ay tuwang tuwa. At nakita ko isa sa kanila na humawak sa nagpupumiglas kong kamay ay si Emil. “Si Emil! Masama ka, masama ka! “
Si Emil ay kasambahay naming pinagkakatiwalaan ni ama. Si Emil na nakakaalam ng mga secreto ng aming pamilya. Si Emil na itinuring na anak ni Ama at ni Ina. “Ang aking nakatatandang kapatid at tapat na kaibigan?”
Paano ito nangyari sa aming pamilya? Ang akala naming Kuya Emil ay is palang anak ni Hudas! Sa sandali ng aking pagkatulala, may hinampas sa aking batok. Ito ang nagpagpatumba at nagpatigil sa aking hagulhol. Parang nawalan ako ng ulirat at hinang hina.
Pinilit kong tumayo sa pagkakahiga at nakagapos pa rin si Ina. At abot tanaw ko habang nilalapastangan siya – hinuhubaran, hinahalikan, winalang-hiya! Nakita ko kung paano lumaban si Ina at sumigaw at paulit ulit niya kaming tinawag. Nagdasal ako. “Magdasal, magdasal,” naalala kong pangaral niya.
Nakatulog ako sa masamang panaginip at nagising. “Si Ina!” Duguan, walang buhay. Si Ina na aking pinakamamahal, wala na siya. Nandoon din si Ama sa labis na paghihinagpis.
Niyakap kong mahigpit ang aking Ina. Niyakap ko ang malamig na katawan. Pilit ko siyang ginigising sa pagbabakasakaling may milagro at siya ay mabuhay. Hindi gumising si Ina. At marahil, sa pagkamatay ni Ina, itinulak ako ni Ama at sinabing, “Ikaw na lamang sana ang namatay, hindi siya.” Ang pagpanaw ni Ina ay kasabay ang pagpanaw ng aking buhay.

At ngayon, sa tuwing ako ay mapapagawi sa aming bahay, sa aking silid, lahat ng ala-ala ng kahapon ay pilit na nagbabalik. Ang kahapong umiikot sa buhay ko. Ang kahapong maramot sa aking matikman ang ligaya ng kasalukuayan at pagasa ng bukas. Ang kahapong ako ay pinagmalupitan at ginapos. Ang kahapong buhay ang aking Ina!

Parati ko na lang dinatnang mainit ang ulo ni Ama. Walang puwang ang kasiyahan sa akin , at nawala na rin ng puwang ko sa puso ni Ama kasabay ng pagpanaw ni Ina. Pinagbubuntungan niya ako ng galit. Marahil marami siyang problema mula sa pulitika. Marahil hanggang ngayon ay isa pa rin siyang bilanggo ng kahapong hindi marunong magpatawad. “Ako ang kanyang sinisisi sa pagkawala ni Ina!”

Si Emil, na anak ni Hudas ay masayang nakakagala ngayon at tila walang kasalanan. Hindi na siya nagpakita pa sa mga pulis. Ngunit, alam kong siya ay ma-impluensya.

Ang maraming tagapaglingkod naming sa bahay ay pinaalis din ni Ama. Kaya lahat ng gawaing bahay ay ako ang gumagawa. Ako na rin ang pilit na pumupuno sa mga pangangailangan ni Ama. Ako at ako lang. At sa tingin ko ay hindi pa rin sapat ang lahat ng aking pagsisikap. Hindi ko siya masisisi.

Hindi nabigyan ng hustisya ang kaso ni Ina gayong si Ama ay isang kilala at sa lipunan. Bakit kaya?

Mula nang matalo ang kaso ni Ina, sinabi niyang siya ang pinakawalang-kwentang tao sa buong mundo. Pati ang mga mamamayang madalas niyang tulungan kagaya ni Mang Ambit at ni Aling Aurora ay binabale-wala na niya kahit pinagsilbihan kami ng mga matatanda ng buo nilang buhay at katapatan. Hindi nagtagal, nawala siya din siay sa pulitika. Hindi niya ininda. Wala siyang pakialam kung ano ang mga mangyari, mawala man ang lahat. . . mawala man ako.

At ngayon, wala na si Amang pinagkakaabalahan kundi ang alak at sugal. Masaya niyang kanakausap lamang ang litrato ni Ina, na kahit anong milagro, ay hindi hindi babangon.
Wala pinipiling pagkakataon ang init ng ulo ng aking Ama. Kahit maraming tao sa bahay at mga kaibigan sa sugal ay wala sa kanyang pahiyain ako. Pilit niya akong pinapapasok sa silid sabay sabing “Ayaw kitang makita!!!” At pilit niyang iginigiit ang mga katagang ako na lang sana ang nawala at hindi si Ina. Ako naman ay agad-agad na papasok at nanginginig ang mga binti at buong katawan kasabay ng matinding takot. At madalas, kapag ako ay nasa silid na, hindi maiwasan ang pagsunod ni Ama. Ang mga mata niya ay nag-aapoy sa galit. At doon, sa aking silid - ako ay kanyang sinasaktan. At sa silid, pilit bumabalik ang mapait na kahapon. Pilit akong sumisigaw sa sakit habang hinahampas ako ng latigo. Marahil, ang tingin niya sa akin ay ako ang mga kriminal na pumaslang kay Ina. Wala siyang pinipiling tamaan. Buong parte ng aking katawan ay walang kawala sa hagupit ng kanyang latigo. Ako’y nagmamakaawa at isinisigaw ang “Ama, Ama tama na po.” Sana mamatay na nga ako. Madugo ang paligid. Maswerte lamang ako at nakakayanan ko ang mga malulupit na palo. Marahil ito ay dahil sa patnubay ni Ina sa akin kahit anong mangyari ay hindi niya ako pinababayaan.
Salamat sa Diyos at hanggang ngayon ay buhay ang pangako ni Ina. Sa sumunod pang mga araw, patuloy ang pananakit si Ama sa akin. Nakalimutan niya marahil na ako ay kanyang anak, at siya ay aking ama. Puno ang puso niya ng poot na isainasabuhay niya sa kalupitan at lubusang pagkalimot ng pagmamahal sa akin.

Magiisang taon na din ang kamatayan ni Ina mula sa kanyang mapait na sinapit. Patuloy an gaming kalbaryo ni Ama. Totoong hindi niya mapatawad ang kanyang sarili dahil hindi niya nabigyang hustisya ang among kaso.

Isang araw, habang ako ay patuloy na sinasaktan ni Ama, biglang nasanggi ng kanyang latigo ang larawan ni Ina. Bumalik bigla sa aking alaala ang mga pangyayaring naganap kay Ina. At kung saan galling sinabayan ang iyak at paghihinagpis ko ng sigaw at iyak ng ni Ina. Naisip ko ang pagkakataong dapat kong ipagtanggol ang aking naaaping ina. At sa di sinasadyang pangyayari ay naitulak ko si Ama gamit ang aking natitira pang lakas. Tumama ang kanyang ulo sa kanto ng aking kama. Duguan si Ama! Natulala ako… Bigla yatang nabaliktad ang mundo. Nakita ko si Ama. Duguan. Tila gripong bumulwak ang dugo sa kanyang ulo. Nagmakaawa si Ama at humingi ng aking tulong at patawad. Subalit bakit ganon? Tila hindi ko siya ama? Nakita ko ang mukha ni Emil. At kahit konting awa ay wala akong nadama.
Sa pagkakataon ding iyon ang aking pagmamahal kay Ama ay hindi ko naalala o naramdaman man lang. Kinuha ko ang latigo at inisip ko na makaganti. Nagmakaawa si Ama, sigaw sa daing, abot langit ang pagsisisi. Naririnig ko ang hiyaw ng paghihinagpis niya kasabay ng paulit-ulit kong hampas ng latigo. Pili ko lang ang mga parteng aking hampas. Ang kanyang mukha, at ang kanyang dibdib. Iyon lamang. Binigyan ko ng maraming latay si Ama. Madugo ang silid. Kalat ang mga talsik ng dugo sa aking labi, sa aking katawan, sa mga dingding at sulok. Bakit ganoon? Mahal ko si Ama ngunit hindi ko na maramdaman na mahal ko siya? At alam ko, mahal din ako ni Ama ngunit hindi ko din maramdaman na mahal niya ako. Kaya naman, pabilis ng pabilis ang paghagupit ko sa kanya sa paniniwalang maaari ko siyang baguhin sa ganoong paraan. Ilang sandali lamang ay wala nang hinagpis at ungol. Si Ama! Ano ang nangyari kay Ama? Wala na akong narinig na hininga mula kay ama. “Hindi!” Napatay ko siya.
Nabalot ang buong silid ng katahimikan. Ang pawang narinig ko na lamang ay ang mabilis na tibok ng aking dibdib. Patay na si Ama. Wala kahit isang patak na luha ang gusting tumulo. Marahil ay nagalak ako ngayon, sa anibersayo ng pagkamatay ni Ina na, ay araw din ng paglaya namin ni Ama mula sa masamang bangungot na dulot ng tadhana.
Kinuha ko ang larawan ng aking pumanaw na ina at pinagmasdan ko. Bumalik sa mga alaala ko ang mga salitang binitawan ni ina niya noon “Anak, hinding hindi kita pababayaan…” Patnubay ko nga siya.
At ngayon na kanyang anibersaryo ng kamatayan, ramdam ko na inilipat na ni Ina ang mga pangakong iyon kay Ama. Si Ama ay hindi ako pababayaan hanggang kamatayan. Mamahalin ako ni Ama. Simula noon, kami lagi ni Ama ang nasa bahay na iyon. Kaming dalawa sa silid. Nililinisan ko si Ama. Titiyakin kong walang ni isang bahid ng dugo ang dudumi sa katawan niya. Binihisan ko siya ng maayos na pantulog. Inihihiga ko siya sa aking kama para kami ay magkatabi.

Pagkalipas ng isang taon, kasama ko pa rin si Ama, sa aking kama, sa aking silid. At sa mga panahong nagdaan, doon ko naramdaman ang pagmamahal niya sa akin. Hindi na niya ako sinasaktan. Mahal pala ako ni Ama at mahal na mahal ko din siya.





Ma. Riza Flores Martinez, copyright 2009
Edited by Rose Flores - Martinez

***********************************************************************


Bolpen

Masarap mangarap, masarap mabuhay lalo na kung ang lahat ng iyong gusto sa buhay ay natutupad. Karangyaan, kayamanan, kasikatan yan ang pangarap ng lahat… at isa doon si Rosa. Si Rosa ay simpleng manunulat, may 2 anak at 6 na taon sa trabahong ito ngunit wala pa ding nangyayari sa buhay niya. Mahirap pa rin siya…at pawing lalong humihirap.

“Pesteng buhay ‘to! Kelan ba ko aangat sa estado kong ito?” ani ni Rosa. “Lagi na lang ganito, walang gustong tumanggap ng mga isinusulat ko? E napakagaling ko naman!”

“Ano ka ba Rosa? Maging matiyaga ka lang, may awa ang Diyos. Baka di pa dumadating ang tamang oras mo,” sagot ng kaibigan niyang si Leslie. “ Nga pala may opening sa darating na Biyernes sa may Ortigas, naghahanap sila ng mga writers para sa bago nilang ilalabas na libro, pwede ka doon. Bakit di mo subukan? Eto ang numero tawagan mo..”

“O sige, mapuntahan nga yan baka yan na yung matagal ko ng hinihintay na break!,” sagot ni Rosa.

“Oo nga, sige good luck sayo kaya mo yan. Balitaan mo na lang ako.” Sabi ni Leslie.

Purisigidong pursigido si Rosa, naghanda ng mga write-ups, iniwan muna ang mga ibang gawain para makapaghanda para sa job opening na ito. Nangutang pa ng perang pang-parlor at pamasahe. Talagang handing handa na siya.

Dumating ang Biyernes, handa na ang lahat, mula ulo hanggang paa ay ayos na ayos siya. Pagpasok sa building ay kapansin pansin siya: buhok ang nakaplantsa, damit ay mukhang nakahanger pa din at pedicure na kulay ginto.

Sa table, habang pumippirma at nagpapasa ng mga requirements si Rosa… “Aba, hindi ka naman masyadong handa? So ikaw pala si Rosa,” ani ng kanyang katabi. “Oo ako nga, bakit? E sino ka ba?,” sagot ni Rosa sa katabi. “Haha… totoo pala na may pagkamayabang ka…,” sagot kay Rosa ng kausap. “Hindi naman masyado, may ipagmamayabang naman e… dahil magaling ako at alam kong matatanggap ako dito,” sagot ulit ni Rosa. Humalakhak na lang ang kanyang kausap at umalis ng hindi nagpapakilala…

Pagkatapos ng ilang oras ay pinatawag na isa isa ang mga nag-apply.. Si Rosa na… Pag pasok sa kwarto ay nakaupo doon ang kausap niya kanina. Hawak ang kanyang resume at manuscript. “O, Rosa kamusta naman?! Maupo ka muna,” sabi ng lalaki. “Salamat po,, kung gayun kayo pala si Mr. Hernando Baltazar…,” sabi ni Rosa sa boses na nahihiya. “Ako nga, so, nabasa ko na ang iyong resume, at manuscript… napakawalang kwenta… ano to basura?,” sabi Mr. Baltazar. “Excuse me po… anong walang kwenta? Graduate ako sa kilalang unibersidad, may masteral pa ako, at isa pa… yang manuscript ko ay napakaganda,” pasigaw na sagot ni Rosa. “Sinong nagsabing maganda? Ikaw? Bobo ka ba?!” Basura to… Pwede ba wag ka ngang magsulat dahil wala ka ding maaabot… Pinipilit mo lang ang mga bagay na di mo kaya… Magtinda ka na lang ng kendi dyan sa tapat at baka sakaling yumaman ka pa…Hahaha!,” sagot sa kanya ni Mr. Hernando. Mabilis na dinampot ni Rosa ang kanyang gamit…at binantaan si Mr. Hernando… “Titingalain mo din ako baling araw, at sisiguraduhin kong ikaw ang magmamakaawa sa kin,” pasigaw na sinabi ni Rosa sabay binalibag ang pinto ng malakas.

Malungkot na malungkot si Rosa parang buong mundo ay bumagsak sa kanya. Wala siyang nakuhang trabaho. May utang pa siya… “Ano gagawin ko?, Bakit wala bang gustong magbasa ng mga isinusulat ko!” sabi ni Rosa habang lumuluha.

Naabutan na si Rosa ng ulan at gutom na gutom na siya. Bad trip na bad trip na siya. “Psst…!” Tila may tumatawag sa kanya ngunit wala naming tao… “Pssst!”… may simitsit ulit… “Hala sino bay un?!,” ani ni Rosa. Dahil sa sobrang galit lahat ng madadaanan ay pinagbubuntunan ng galit. Pati ang nakakalat na bolpen ay sinipa na lang… kawawang bolpen… “Aray!,” napasigaw si Rosa… “sino ba yung namamato?”… Tinamaan siya nung bolpeng sinipa nya…”Pssst!...Pssst!...Pssst!”… “Sino ka ba… at sitsit ka ng sitsit namamato ka pa?,” Pabalang na sabi ni Rosa… “Ako to ang bolpen!,” sagot ng bolpen sa maliit na boses. “Pulutin mo ko… matutulungan kita!”… biglang natauhan si Rosa. Namutla dahil nagsalita ang bolpen! “Di ba gusto mong yumaman… kailangan mo ko..” ani ng bolpen… “Talaga yayaman ako? Sisiskat?...Pano?,” tanong ni Rosa. “Basta kunin mo ko at tutulungan kita…” sabi ng bolpen. Dinala ni Rosa ang bolpen, nilagay sa bag at umuwi na sa kanyang bahay.

Pagdating sa kanyang bahay ay pinatong ni Rosa ang kanyang bag dumiretso sa kusina at nagluto ng hapunan para sa kanyang mga anak. Pagkatapos maghapunan..ay kitang kita ang kapaguran kay Rosa. Pahiga na si Rosa ng biglang… “Pssst…! Rosa….!” Nagising bigla si Rosa pumunta sa kanyang table at nakita ang bolpen… “Ano bang magagawa mo e bolpen ka lang? Napakapangit… luma…at mukaha pang mumurahin!,” pasigaw na sabi ni Rosa. “Hindi mo alam ang pwede kong magawa. Pwede kitang pasikatin…payamanin…kahit anong gusto mo, mga pangarap mo ay maaabot mo, mga kaaway mo ay magagantihan, mga taong gusto mo ay mapapalapit sayo! Kaya ko yung lahat!..,” sabi ng bolpen sa kanya. “Talaga lang ha…e bolpen ka lang pano mo naman matutulungan si Rosa na isang magaling na manunulat?” pagmamayabang ni Rosa. “Hello? Ikaw magaling? E bobo ka nga e…wala kang katalent talent kaya walang gustong bumasa ng mga sinusulat mo kasi para silang nagbabasa ng basura! Basta tutulungan kita… Pero sa isang kondisyon…” sabi ng bolpen. “Ano naman yun?,” sagot ni Rosa. “Ibibigay ko ang utak ko kapalit ng kaluluwa mo…Hahahaa!,” tuwang tuwang sagot ng bolpen kay Rosa… “Ang kaluluwa ko? Ayoko nga!, ” sagot ni Rosa sabay biglang tinapon ni Rosa ang bolpen… at pumunta na sa kanyang kama at natulog…

Sa kalagitnaan ng gabi biglang nagising si Rosa… Hindi siya makatulog kaya naisipan nyang magsulat na lang. Dinampot niya ang kanyang bolpen at kumuha ng malinis na papel. ”Kaiinis bakit naman walang mga tinta tong mga bolpen dito?,” pasigaw na sabi ni Rosa. Lahat ng bolpen na makuha nita ay walang tinta hanggang may isang pluma na nadampot nya…”Eto buti naman at may sumulat din dito sa mga bolpen dito,” ani ni Rosa. Nakatapos si Rosa ng isang writeup…ng mapansin nya na ang bolpen na hawak nya…”Hahaha… sabi ko na sayo… ako lang ang makakatulong sayo! Hahaha..” ani ng bolpen. “Hala… “Ba’t nandito ka? Tinapon na kita ha?!,” Namumutlang sagot ni Rosa. “Sabi ko naman sayo ako lang ang makakatulong sayo e… tingnan mo nakusaulat ka ngayon. Bukas ipasa mo agad yan at tiyak ko nay an ang magiging umpisa ng kasikatan mo…Hahaha!,” sabi ng bolpen.

Napaiyak si Rosa dahil alam niya ang magiging kapalit ng paggamit niya sa bolpen ay ang kanyang kaluluwa. Di niya alam kung anong gagawin niya. Kahit pilit niyang itapon ang bolpen ay bumabalik pa din sa kanya…

Kinabukasan ay napagisipan na ni Rosa na ipasa ang kanyang nagawa nanginginig na isinilid ni Rosa ang papel sa envelope…At dali dali ng umalis… Naipasa na ni Rosa ang kanyang ginawa… Walang sinabi sa kanya. Ang sabi ay tatawagan na lang daw siya. Pagdating sa bahay biglang ring ng telepono… “Kring…….!” “Hello, Magandang hapon!,”sagot ni Rosa. “Hello, Magandang Hapon po.. nandyan po ba si Rosa?” sabi ng nasa linya ng telepono. “Eto na nga po!,” sagot ni Rosa. “ Eto po si Mr. Erwin Lee, from Maxx Publications, nabasa namin yung mga writeups ninyo at napakaganda. Pwede ba naming ilagay sa libro naming?.. At saka gusto naming na magsubmit ka pa ng marami! Napakagaling mo kasi talaga,” sabi ni Mr. Lee. “Talaga po?.. Sige po bukas na bukas dadalhan ko pa kayo ng maraming writeups at manuscripts!,” Tuwang tuwang sagot ni Rosa. “Sige, pumunta ka dito sa opisina ko bukas ng umaga at gusto din kitang makausap,” sagot ni Mr. Lee. Pagkababa ng telepono ay nagtatalon sa tuwa si Rosa. Nung gabi ay nagsulat pa siya ng marami gamit ang bolpen na napulot niya. Nakalimutan muna ni Rosa ang kapalit na hinihingi ng bolpen… ginamit niya ito ng ginamit hanging sa sumikat na siya.

Sikat na sikat na si Rosa. Lahat ng tao ay iginagalang siya at tinitingala… Napakayaman niya na din… “Salamat sa’yo bolpen… tama ka…ikaw lang nga ang makakatulong s’akin. Kung wala ka siguro…walang wala pa din ako…,” bulong ni Rosa sa bolpen. “ Hindi ako tumatanggap ng salamat. Gaya nga ng sabi ko sayo kaluluwa mo ay akin na,” sagot ng bolpen. Namutla si Rosa. Naalala niyang ang lahat ng kanyang naabot ay may kapalit: ang kanyang kaluluwa… “Pwede ba iba na lang?! Wag lang ang aking kaluluwa…,” nagmamakaawang sagot ni Rosa. “Utak ko para sayo, Kaluluwa mo para sakin… yun ang usapan!,” sagot ng bolpen.

Ilang araw naging balisa si Rosa pilit niyang nilalayo ang bolpen para hindi niya magamit ngunit kahit anong gawin niya ay kusang lumalapit pa din to…Pilit niyang sinisira ngunit di pa din masira… “Hahaha… di mo ko kayang sirain…Hahaha!” sabi ng bolpen. Pilit pa din ni Rosa na sinisira yung bolpen ngunit tila lumalaban ito na parang tao…”Sige kung di kita masisira… di mo din makukuha ang kaluluwa ko!.” Sagot ni Rosa. Sabay biglang itinusok ang bolpen sa kanyang lalamunan. Bumagsak si Rosa sa mesa… Naging pula ang papel sa natahimik na buong paligid… “Matitigil na din ang kasamaan mo… ako na ang huli mong biktima!” sabi ni Rosa hanggang unti unting nawalan na ng hininga…

“Pssst… hahahaha… Walang makakasira sa akin....Hindi ninyo ako kaya… Hahaha!”

–Bolpen
Wenzi Jeanne Flores Martinez, copyright 2009
Edited Rose Flores Martinez, 2009Labels: fiction, iwrote fiction, three scary stories in Filipino, wenzi jeanne f. martinez



No comments:

Post a Comment