Monday, September 26, 2011

2. Bolpen ni Wenzi Jeanne Flores Martinez, repost 9.2011;iwrotefiction



Bolpen, Three Scary Stories in Filipino

2. Bolpen

Masarap mangarap, masarap mabuhay lalo na kung ang lahat ng iyong gusto sa buhay ay natutupad. Karangyaan, kayamanan, kasikatan yan ang pangarap ng lahat… at isa doon si Rosa. Si Rosa ay simpleng manunulat, may 2 anak at 6 na taon sa trabahong ito ngunit wala pa ding nangyayari sa buhay niya. Mahirap pa rin siya…at pawing lalong humihirap.

“Pesteng buhay ‘to! Kelan ba ko aangat sa estado kong ito?” ani ni Rosa. “Lagi na lang ganito, walang gustong tumanggap ng mga isinusulat ko? E napakagaling ko naman!”

“Ano ka ba Rosa? Maging matiyaga ka lang, may awa ang Diyos. Baka di pa dumadating ang tamang oras mo,” sagot ng kaibigan niyang si Leslie. “ Nga pala may opening sa darating na Biyernes sa may Ortigas, naghahanap sila ng mga writers para sa bago nilang ilalabas na libro, pwede ka doon. Bakit di mo subukan? Eto ang numero tawagan mo..”

“O sige, mapuntahan nga yan baka yan na yung matagal ko ng hinihintay na break!,” sagot ni Rosa.

“Oo nga, sige good luck sayo kaya mo yan. Balitaan mo na lang ako.” Sabi ni Leslie.

Purisigidong pursigido si Rosa, naghanda ng mga write-ups, iniwan muna ang mga ibang gawain para makapaghanda para sa job opening na ito. Nangutang pa ng perang pang-parlor at pamasahe. Talagang handing handa na siya.

Dumating ang Biyernes, handa na ang lahat, mula ulo hanggang paa ay ayos na ayos siya. Pagpasok sa building ay kapansin pansin siya: buhok ang nakaplantsa, damit ay mukhang nakahanger pa din at pedicure na kulay ginto.

Sa table, habang pumippirma at nagpapasa ng mga requirements si Rosa… “Aba, hindi ka naman masyadong handa? So ikaw pala si Rosa,” ani ng kanyang katabi. “Oo ako nga, bakit? E sino ka ba?,” sagot ni Rosa sa katabi. “Haha… totoo pala na may pagkamayabang ka…,” sagot kay Rosa ng kausap. “Hindi naman masyado, may ipagmamayabang naman e… dahil magaling ako at alam kong matatanggap ako dito,” sagot ulit ni Rosa. Humalakhak na lang ang kanyang kausap at umalis ng hindi nagpapakilala…

Pagkatapos ng ilang oras ay pinatawag na isa isa ang mga nag-apply.. Si Rosa na… Pag pasok sa kwarto ay nakaupo doon ang kausap niya kanina. Hawak ang kanyang resume at manuscript. “O, Rosa kamusta naman?! Maupo ka muna,” sabi ng lalaki. “Salamat po,, kung gayun kayo pala si Mr. Hernando Baltazar…,” sabi ni Rosa sa boses na nahihiya. “Ako nga, so, nabasa ko na ang iyong resume, at manuscript… napakawalang kwenta… ano to basura?,” sabi Mr. Baltazar. “Excuse me po… anong walang kwenta? Graduate ako sa kilalang unibersidad, may masteral pa ako, at isa pa… yang manuscript ko ay napakaganda,” pasigaw na sagot ni Rosa. “Sinong nagsabing maganda? Ikaw? Bobo ka ba?!” Basura to… Pwede ba wag ka ngang magsulat dahil wala ka ding maaabot… Pinipilit mo lang ang mga bagay na di mo kaya… Magtinda ka na lang ng kendi dyan sa tapat at baka sakaling yumaman ka pa…Hahaha!,” sagot sa kanya ni Mr. Hernando. Mabilis na dinampot ni Rosa ang kanyang gamit…at binantaan si Mr. Hernando… “Titingalain mo din ako baling araw, at sisiguraduhin kong ikaw ang magmamakaawa sa kin,” pasigaw na sinabi ni Rosa sabay binalibag ang pinto ng malakas.

Malungkot na malungkot si Rosa parang buong mundo ay bumagsak sa kanya. Wala siyang nakuhang trabaho. May utang pa siya… “Ano gagawin ko?, Bakit wala bang gustong magbasa ng mga isinusulat ko!” sabi ni Rosa habang lumuluha.

Naabutan na si Rosa ng ulan at gutom na gutom na siya. Bad trip na bad trip na siya. “Psst…!” Tila may tumatawag sa kanya ngunit wala naming tao… “Pssst!”… may simitsit ulit… “Hala sino bay un?!,” ani ni Rosa. Dahil sa sobrang galit lahat ng madadaanan ay pinagbubuntunan ng galit. Pati ang nakakalat na bolpen ay sinipa na lang… kawawang bolpen… “Aray!,” napasigaw si Rosa… “sino ba yung namamato?”… Tinamaan siya nung bolpeng sinipa nya…”Pssst!...Pssst!...Pssst!”… “Sino ka ba… at sitsit ka ng sitsit namamato ka pa?,” Pabalang na sabi ni Rosa… “Ako to ang bolpen!,” sagot ng bolpen sa maliit na boses. “Pulutin mo ko… matutulungan kita!”… biglang natauhan si Rosa. Namutla dahil nagsalita ang bolpen! “Di ba gusto mong yumaman… kailangan mo ko..” ani ng bolpen… “Talaga yayaman ako? Sisiskat?...Pano?,” tanong ni Rosa. “Basta kunin mo ko at tutulungan kita…” sabi ng bolpen. Dinala ni Rosa ang bolpen, nilagay sa bag at umuwi na sa kanyang bahay.

Pagdating sa kanyang bahay ay pinatong ni Rosa ang kanyang bag dumiretso sa kusina at nagluto ng hapunan para sa kanyang mga anak. Pagkatapos maghapunan..ay kitang kita ang kapaguran kay Rosa. Pahiga na si Rosa ng biglang… “Pssst…! Rosa….!” Nagising bigla si Rosa pumunta sa kanyang table at nakita ang bolpen… “Ano bang magagawa mo e bolpen ka lang? Napakapangit… luma…at mukaha pang mumurahin!,” pasigaw na sabi ni Rosa. “Hindi mo alam ang pwede kong magawa. Pwede kitang pasikatin…payamanin…kahit anong gusto mo, mga pangarap mo ay maaabot mo, mga kaaway mo ay magagantihan, mga taong gusto mo ay mapapalapit sayo! Kaya ko yung lahat!..,” sabi ng bolpen sa kanya. “Talaga lang ha…e bolpen ka lang pano mo naman matutulungan si Rosa na isang magaling na manunulat?” pagmamayabang ni Rosa. “Hello? Ikaw magaling? E bobo ka nga e…wala kang katalent talent kaya walang gustong bumasa ng mga sinusulat mo kasi para silang nagbabasa ng basura! Basta tutulungan kita… Pero sa isang kondisyon…” sabi ng bolpen. “Ano naman yun?,” sagot ni Rosa. “Ibibigay ko ang utak ko kapalit ng kaluluwa mo…Hahahaa!,” tuwang tuwang sagot ng bolpen kay Rosa… “Ang kaluluwa ko? Ayoko nga!, ” sagot ni Rosa sabay biglang tinapon ni Rosa ang bolpen… at pumunta na sa kanyang kama at natulog…

Sa kalagitnaan ng gabi biglang nagising si Rosa… Hindi siya makatulog kaya naisipan nyang magsulat na lang. Dinampot niya ang kanyang bolpen at kumuha ng malinis na papel. ”Kaiinis bakit naman walang mga tinta tong mga bolpen dito?,” pasigaw na sabi ni Rosa. Lahat ng bolpen na makuha nita ay walang tinta hanggang may isang pluma na nadampot nya…”Eto buti naman at may sumulat din dito sa mga bolpen dito,” ani ni Rosa. Nakatapos si Rosa ng isang writeup…ng mapansin nya na ang bolpen na hawak nya…”Hahaha… sabi ko na sayo… ako lang ang makakatulong sayo! Hahaha..” ani ng bolpen. “Hala… “Ba’t nandito ka? Tinapon na kita ha?!,” Namumutlang sagot ni Rosa. “Sabi ko naman sayo ako lang ang makakatulong sayo e… tingnan mo nakusaulat ka ngayon. Bukas ipasa mo agad yan at tiyak ko nay an ang magiging umpisa ng kasikatan mo…Hahaha!,” sabi ng bolpen.

Napaiyak si Rosa dahil alam niya ang magiging kapalit ng paggamit niya sa bolpen ay ang kanyang kaluluwa. Di niya alam kung anong gagawin niya. Kahit pilit niyang itapon ang bolpen ay bumabalik pa din sa kanya…

Kinabukasan ay napagisipan na ni Rosa na ipasa ang kanyang nagawa nanginginig na isinilid ni Rosa ang papel sa envelope…At dali dali ng umalis… Naipasa na ni Rosa ang kanyang ginawa… Walang sinabi sa kanya. Ang sabi ay tatawagan na lang daw siya. Pagdating sa bahay biglang ring ng telepono… “Kring…….!” “Hello, Magandang hapon!,”sagot ni Rosa. “Hello, Magandang Hapon po.. nandyan po ba si Rosa?” sabi ng nasa linya ng telepono. “Eto na nga po!,” sagot ni Rosa. “ Eto po si Mr. Erwin Lee, from Maxx Publications, nabasa namin yung mga writeups ninyo at napakaganda. Pwede ba naming ilagay sa libro naming?.. At saka gusto naming na magsubmit ka pa ng marami! Napakagaling mo kasi talaga,” sabi ni Mr. Lee. “Talaga po?.. Sige po bukas na bukas dadalhan ko pa kayo ng maraming writeups at manuscripts!,” Tuwang tuwang sagot ni Rosa. “Sige, pumunta ka dito sa opisina ko bukas ng umaga at gusto din kitang makausap,” sagot ni Mr. Lee. Pagkababa ng telepono ay nagtatalon sa tuwa si Rosa. Nung gabi ay nagsulat pa siya ng marami gamit ang bolpen na napulot niya. Nakalimutan muna ni Rosa ang kapalit na hinihingi ng bolpen… ginamit niya ito ng ginamit hanging sa sumikat na siya.

Sikat na sikat na si Rosa. Lahat ng tao ay iginagalang siya at tinitingala… Napakayaman niya na din… “Salamat sa’yo bolpen… tama ka…ikaw lang nga ang makakatulong s’akin. Kung wala ka siguro…walang wala pa din ako…,” bulong ni Rosa sa bolpen. “ Hindi ako tumatanggap ng salamat. Gaya nga ng sabi ko sayo kaluluwa mo ay akin na,” sagot ng bolpen. Namutla si Rosa. Naalala niyang ang lahat ng kanyang naabot ay may kapalit: ang kanyang kaluluwa… “Pwede ba iba na lang?! Wag lang ang aking kaluluwa…,” nagmamakaawang sagot ni Rosa. “Utak ko para sayo, Kaluluwa mo para sakin… yun ang usapan!,” sagot ng bolpen.

Ilang araw naging balisa si Rosa pilit niyang nilalayo ang bolpen para hindi niya magamit ngunit kahit anong gawin niya ay kusang lumalapit pa din to…Pilit niyang sinisira ngunit di pa din masira… “Hahaha… di mo ko kayang sirain…Hahaha!” sabi ng bolpen. Pilit pa din ni Rosa na sinisira yung bolpen ngunit tila lumalaban ito na parang tao…”Sige kung di kita masisira… di mo din makukuha ang kaluluwa ko!.” Sagot ni Rosa. Sabay biglang itinusok ang bolpen sa kanyang lalamunan. Bumagsak si Rosa sa mesa… Naging pula ang papel sa natahimik na buong paligid… “Matitigil na din ang kasamaan mo… ako na ang huli mong biktima!” sabi ni Rosa hanggang unti unting nawalan na ng hininga…

“Pssst… hahahaha… Walang makakasira sa akin....Hindi ninyo ako kaya… Hahaha!”

–Bolpen
Wenzi Jeanne Flores Martinez, copyright 2009
Edited Rose Flores Martinez, 2009Labels: fiction, iwrote fiction, three scary stories in Filipino, wenzi jeanne f. martinez


No comments:

Post a Comment