Saturday, November 30, 2013

REBECCA

REBECCA
















Kuwento ni Rose Flores – Martinez



30 Piling Kuwento 2003



Editor: Danilo S.Meneses



Introduksiyon ni : Reynaldo S. Duque









Makikita pa rin ang maraming bundok sa daan papuntang Bicol. Hindi maikakaila ang masukal na mga lugar. Sa bintanang salamin ay matatanaw ang lumang simbahan, na parang makapapasong tingkad ng liwanag, dala ng sinag ng pusyawing asul na ilaw ng krus sa gilid ng bundok.









Hindi ko maitago ang pagkamangha sa ganda ng kislap ng pusyawing asul na ilaw ng krus, hindi rin makapagsisinungaling ang aking damdamin.









Maganda nga, napakaganda ng kinang ng liwanag, ngunit sayang at hindi ko man lamang nadama ang hiwaga nito. Malamig ang dampi ng hangin sa paligid, may init ang sinag ng pusyawing asul na ilaw – katulad ng magkahalong lungkot at saya na aking nararamdama. Kung hindi nga lamang dahil kay Lola Basya …









Ano iyon? Mga ibong gubat? Marami pa ring ang mga kikik na nakakubli sa hinganteng mga punong kahoy sa gilid ng kabunkukang aming dinaraanan, pumupuno sa puwang ng iilang bahay sa tabi ng parang.









Kaya nga ba maririnig and mga usap-usapang nakakatakot at mga kuwentong hindi kapani-kapaniwala. Natatandaan ko ang mga kahiwagaan sa San Jose – ang mga engkanto, ang mga lamanlupa. Natatandaan ko rin ang pagkamatay ng isang malayang kamag-anak na tinatawag kong si Lolo Dado. Isang makisig at matandang lalaki nang magkasakit ay unti-unting namayat. At sabi-sabi, kapag gabi ay may makikitang aaali-aligigd na maga aso at baboy sa silong ng kanilang dampang bahay.









“Kain ka,” sabi ng katabi ko sa upuan.









Hindi ako makatanggi sa pag-abot niya sa akin ng kanyang kinakaing mani. Nakita ko ang masarap niyang pagnguya at pagkagat sa malulutong na butil.









“Salamat.”









“Sige dagdagan mo pa.”









“Tama na sa akin ito. May sira kasi ang aking mga ngipin kaya hindi masyadong makakagat ng matitigas.”









Nagsinungaling ako. Ang totoo, sa pagkuha ko ng ilang butil ay amoy na amoy ko ang matinding pagkagisa nito sa bawang. Ayaw ko ng bawang! Bagamat sa pagdaan ng panahon ay natuto rin ako na paunti-unting tumikim nito.









“Taga-rito ka rin ba?” tanong ko.









“Hindi. Dadalaw at magbabakasyon lamang. Maganda kasi rito sa Camarisnes Sur, lalo ang mga dagat. Talagang probinsyang-probinsiya. Maganda ang lahat, ang mga Bicolana – tulad mo! Kaya lang ang paligid, kung minsan ay nakakakilabot, masukal ang mga bundok. Sabi nga, marami raw ditong ‘anlayug’?”









Hindi ako sumagot. Minadali ako ng sigaw ng konduktor sa pagtigil ng bus mismo sa tapat ng aming malaki at lumang bahay. Nakalimutan ko tuloy ang magpaalam sa aking katabi. Parang kumukulog ang aking diddib sa lakas ng pintig ng aking puso. Nasasabik akong makita si Lola. Ang pag-ihip ng mabangong hangin sa aking mukha ay tila isang halik na nakapagpapasigla. Totoong takot akong umuwi, mayroon akong pangamba, ngunit iba ang sinasabi ng aking kaloooban.









Halos lumipad ako papunta sa pintuan.









“Tapo po…Tapooooooooo…..!”









Bumukas ang pinto at sinalubong ako ng isang matandang babae.









“Magandang tanghali po…po!” ang bati niya.









“Kayo ba ang bagong katulong?”









“Ako nga…Ako si Tessie na inirekumenda ng inyong katiwalang si Blandina.”









Tinitigan ko siya mula ulo hangaang paa. Matandang posturyosa! Napansin ko ang kanyang mapupulang labi dahil sa lipstick.









Binati ko si Tessie nang papuring may kasamang pa-insulto. “Para pala kayong artista, pinagsamang Rosanna Roces at Ai-Ai!”









Ngumiti siya, tuwang, tuwa dahil napansin ko. Nagliwanag ang dati’y nanlilisik na mga mata. Dahan-dahan, may pag-arteng hinaplos ang buhok na nagtatayuang parang alambre sa tigas.









“Ang dilim naman. Bakit sarado and bintana, ang aga-aga pa?”









“Malamig. Bawal malamigan si Lola.”









“E, and mga ilaw, bakit hindi ninyo buksan?”









Sinindihan ko ang mga ilaw, inikot ko ang bahay upang mabuksan lahat ng switch para magliwanag. Pinagpagan ko ang mga mesa at tinanggal ang alikabok at mga sapot ng gagamba na nakadikit sa mga sulok.









Pagkatapos, hindi ako nagpaliban pa ng mga sandali para Makita si Lola Basya. Ito ang panahong aking pinakahihihtay. Marahil ito na, ang panahong aking pinakahihintay…



“Kumusta ka, Lola? Andito po ako si Rebecca, ang inyong paboritong apo,” ang aking bulong sa kanyang malalapad na tainga habang lumalapat na marahan ang aking labi sa kanyang noo, sa kulubot na pisngi, sa pagod na mukha.









Nangatal ang aking laman sa hitsura na bumungad sa akin. Payat na payat ang matanda. Maitim ang kaniyang mga kuko at labi, hirap sa paghinga at mahinang-mahina. Parang may hinihintay. Wari ay maghihintay pa…









Ang lungkot na aking nadama ay hindi ko maipaliwanag. Sa muling paghalik ko sa kanyang noon ay may tumutulong luha sa mga mata nang naramdaman ko ang isang kalabit.









“Magme…meryenda ka muna, Rebecca,” sabi ni Tessie na nagdudumaling pabalik sa kusina. Sinundan ko si Tessie ng tingin hanggang matapat sayi sa salamin at kung paano nag-iba ang anyo ng kanyang mukha ay hindi ko alam. Pumapangit ang hitsura niya, lumalaki and mga mata, humhaba ang dila at tumatayo ang mga buhok. Guni guni?”









Sa isang kisapmata, napasunod ako sa mabilis na paglakad ni Tessie, ni Manay Tessie. Nakalimutan ko ang lahat. Ang napansin ko lamang ay para siyang dala ng hangin. Maliksi ngunit walang ingay ang mga yabag. Pagkatapos, gumuhit muli sa alaala ko ang lahat sa pagkalam ng aking sikmura. Hindi ko na hinintay ang paglamig ng mga pagkain.









Nanonood si Manay Tessie sa aking pagsubo, tinitingnan ang aking pagnguya. Nakangisi. Tuwang-tuwa.









“Ma… masarap?” tanong niya.









“Oo. Sino bang nagluto ng mga pagkain dito? May mga katulong ba galing sa bukid? Si Blandina?”









“Ako na rin. Sabi kasi ni… ni Blandina ang bilin mo raw ay huwag nang kumuha ng iba pang katulong…”









“Masarap ka palang magluto. E, kumusta nama ang pagkain in Lola?”









“Mahirap ngang pakainin si Lola Basya. Ang lagi kong ibinibigay sa kanya ay ang nasa.. sa latang pagkaing gamut na inireseta ni Dr. Rosales.”









“Ganu’n ba? Ano ba ang sabi ng doctor?”









“Talaga raw ganyan. Baka naman iba ang gu-gusto ng Lola mo…”



Hindi ako nakasagot. Sa pakiramdam ko, siya ay nanunuya. Hindi ako tanga. May itinanim na palaisipan para sa akin si Tessie. Nag-init ang aking mga tainga, bahagyang sumulak ang aking dugo, namula ang aking balat sa inis. Tiningnan ko si Manay Tessie ang matalim, parang mangangaing aking titig, tagos sa mabilis na kurap ng kanyang mga mata. Napayuko siya. Napahiya. Pagkatapos ay nakita kong may isang basong tubig na ako sa mesa.









“Mamayang alas-siyete, baka pupunta uli si Dr. Rosales. Makabubuting kayo na po… pooo.. ang makipag-usap,” sabi ni Tessie.









“Linisan mo na lamang dito,” ang aking madiing utos.









Inis pa rin ako. Sa malakas na boses ay ipinakita kong ayaw ko sa kanyang pabalagbag na sagot. Ako ang amo, ako ang dapat masunod. Hindi ako dapat pangunahan.









“Simula ngayon, ako na ang mag-aalaga kay Lola Basya. At siya nga pala, huwag mong patayin ang ilaw sa kanyang silid.”









Pilit kong pinigil ang aking sarili sa pakikipag-usap sa kanya kaya nalunod ako sa katahimikan. Naisip ko ang lungsod. Kapanglawan ang tanging yumakap sa akin habang nakatitig ako sa pagkakahiga ni Lola. Malapit na… Iiwan niya ako.









Si Lola Basya. Si Lola Basya ang nag-alaga sa akin buhat nang ako ay maulila. Ginawa niya ang lahat para ako ay makapamuhay nang masagana at tahimik sa kabila nang sabi-sabing lintek na sumpa sa aming angkan. Hindi rin siya nagkulang sa pagpapa-alala sa akin tungkol sa kabutihan at tiwala sa Maykapal, kahit alam niyang ako ay may tinatagong poot at hinanakit.









Nagtatampo ako… sa simbahan. Ngunit umaasa at naniniwala.









May lagay na napakalaking krus si Lola sa isang lugar ng aming bahay, tulad ng pusyawing krus sa simbahan. May mga angel na palamuti sa bawat sulok nito at tinakpan ng mga luma at makutim ng tela. Natabunan ng alikabok.









Tinanggal ko ang mga tela.









“Hindi kita bibiguin, Lola.”









Narinig ko ang ugong ng electric fan sa silid ni Lola Basya. Ang ingay na ito na tanging bumabasag sa katahimikan ng paligid. Umaalingawngaw ang ugong sa maluwang na kabahayan na kinukurtinang ng asul.









“Isa… dalawa.. tatlo…nararamdam ko pati ang pagpihit ng malaking orasan. Malapit na nga. Halos pahiramin ko ng pahininga si Lola at isipin kung mabuti sa kanyang pisilin ang kansyang ilong para matapos ang kanyang paghihirap? Malakas ang aking kaba. Lumalakas sa paghihintay kung ano ang sunod na mangyayari.









Gusto kong bulabugin ang langit! Gusto kong isigaw ang aking mga tanong. Lagi akong nagtatanong, laging nagtatanong sa Diyos kung bakit kami ay kanyang pinabayaan. Hindi maarok ng aking isipan ang mga kakaibang pangyayari sa mga pagsubok na ito. Pilit kong iniintindi ang kahiwaagaan, ang mga sakit sa aming buhay, na hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan at mahanapan ng lunas.









“Re… Rebecca! Manood naman tayo ng TV. Tapos na ako sa aking mga gawain.” Naistorbo ako sa aking pag-isiip at pagkakaupo sa ulunan ng kama ni Lola.









Sumusulpot si Manay Tessie nang pabigla-bigla. Noon, napabulaslas naman ako ng halakhak sa bigla niyang pagharap sa akin. Napagmasdam ko ang kanyang napakaputing mukaha na parang pinadukdok sa arina.









“Sige, buksan n’yo na nga.!”









“Alam mo ba? La…..la…. lahat ng Channel ay mayroon dito sa atin. Kaya ng lamang ay malabo. Ang marami ay….ay mayroon na ring cable channels na kanilang tinatawag. Sila mayor yata ang unang nagkaroon dito.”









Namangha ako. Sa hitsura niya’y parang hindi niya alam ang cable ngunit… masyado yata akong makapag-isip. Itinuon ko na lamang ang aking atensiyon sa pinapanood na palabas. Naguguluhan ako.









Maya maya pa, sa kagagala ng aking mata ay muli kong napagmasdan ang matandang katulong. Napansin ko ang langis sa kanyang mga payat na braso, sa kanyang mga binti. Lalong pinakikintab ng langis ang kaliskis sa balat ng kanyang mga paa. Nagpapadulas…









Pagkasuklam ang nararamdaman ko para kay Manay Tessie sa pagtuklas ng maraming bagay tungkol sa kanya. Tulad ng pagtalikod niya kapag matatapat sa malaking krus. May kakaibang amoy rin na iniiwan ang haplas niyang langis. Mabaho. Sabi niya, ito raw ay parang Omega Balm, gamot sa nananakit na mga buto at kalamnan.









“Ang mga aswang ay may ritwal na ginagawa,” kuwento ni Lola Basya. “Kailangan sila ay maghaplos sa buong katawan bago magpalit ng anyo.”















Inusisa ko ang pangalan ng panghaplos ni Manay Tessie. “Ang baho-baho! Bukas bibigyan kita ng lotion para mabango ka!” sabi ko.









“Sa i…Instsik ‘to…Hindi ko alam ang pangalan . Sa sitsiriya ko nabili noong nakaraang piyesta. Malansa ba? Bibigyan mo ako ng bagong lotion? Kung gusto mo imamasahe pa kita, Rebecca.”









Lalapit na sana siya sa akin ngunit pinigil ko. Pagkatapos may nakita ako ng mga posporo sa paligid niya na nangaghulugan habang ang isang istik ay ginamit niyang parang toothpick.









“Ang mga istik ng posporo ay ginagamit nilang pampalakas. Ito ay babala ng isang aswang,” naalala kong muli ang kuwento ni Lola.









Sa mga oras na iyon, matalim ang titig sa akin ni Manay Tessie. Ang singkitin niyang mga mata ay parang nagdiringas at tulala habang kinukutkut niya ng posporo ang kanayang ngipin. Nakita ko rin ang posporo na pula ang dulo, kasing pula ng dugo. Hindi ko lang pinansin. Pagkatapos hindi ko na napigil ang antok.









Kinaumagahan dalang-hangin na naman si Manay Tessie na papalapit sa akin. Inilalantad niya sa aking harapan ang bila-bailaong mga prutas na galing sa bukid. Inaalo ako. Bakit?









Mabilis ang tiktak ng orasan. Hindi ko iniwanan si Lola Basya hanggang sa paglubog ng araw. Hindi ko rin kinausap ang matandang katulong sa buong maghapon tulad ng dati. Nagpakitang gilas si Tessie. Sa dapithapon ng maayos na ang lahat ng kanyang trabaho ay nagpaikut-ikot naman siya sa bakuran. Nakita ko ang kalungkutan sa kanyang mukha na nakatingala sa langit. Nag-iisip parang nagmamakaawa…









Tumabi akong muli kay Lola. Inayus-ayos ang higaan niya. Tumingala din ako sa langit, sa itaas – at katulad ni Manay Tessie ay nagmakaawa…









“First Friday pala ngayon,” bulong ko sa aking sarili. Dinapuan na naman ako ng lungkot. Hinaplus-haplos ko si Lola Basya.









Madilim na. Malakas ang hangin sa labas. Maraming ibon. Tahimik ang gabi. Bilog ang buwan. Ang liwanag ay sumusungaw sa maliit na kawang ng bintanang kapis. Nakakahalina ang liwanag. Hindi ako mapakali. Maya-maya may nakita akong asong itim sa gilid ng bakuran. Mala-dambuhala, kaya isinarado kong mariin ang mga bintana.









Mabilis, may nag-udyok sa akin para lumabas ng kuwarto. Natigilan ako. Wari ay may humihila sa aking mga paa papuntang pintuan. Sinigurado kong nakakandado ang lahat ng mga pinto at itinarangka itong mabuti. Binuksan kong lahat ang mga ilaw. Ang aming bahay ang pinakamaliwanag sa buong San Jose! Parang piyesta, parang may prusisyon ng Santakruzan sa tapat!









“Nakahanda na ba ang mesa? Manay! Manay!”









Hangos ako sa paghahanap kay Manay Tessie. Takbo ako papuntang kusina. “Ayyy, naku!’andiyan ka na pala bakit hindi ka nagsasalita?”









May apoy ang mga titig niya. Nakapapaso. Nagsimulang magtayuana ng kanyang mga buhok, kumpul-kumpol. Natatandaan ko ang mukha niyang nakakatakot ng makita ko ang kanyang mukha sa salamin sa sala., noong ako ay bagong dating.









“Ano ang tumutulo sa iyong damit?”









“Regla!” Nagdudumali si Manay Tessie. Hinila ko ang kanyang kamay at kinaladkad papuntang sala, pinaharap ko sa malaking krus. Pilit siyang nagpupumiglas. Hinila ko ang kanyang buhok na nangagtatayuan. Dahan-dahan, parang nahahati ang kanyang katawan na nagpausbong sa luwang ng kanyang damit…









“Dugo ‘yan ni Lola!”









“Bakit? Di ba gusto mo rin ng dugo?”









“Walanghiya!”









Umikot ako sa hangin at tinadyakan ko si Tessie ng malakas, malakas na malakas. Paulit-ulit. Pagkatapos ay mabilis akong nagpunta sa kusina.









Pabalik, hinarap ko si Tessie…









Ilang sandali pa mahinahon na ang hangin. Nalilito ako sa susunod na gagawin. Ang natatandaan ko lamang ay ang simbahan… ang pusyawing asul na ilaw ng krus.









Sabi ni Lola, ang simbahan daw ay luklukan para makapagbagong- buhay. Ito raw ay may kapangyaringhang bendisyon sa unang iyak pa lamang ng sanggol hanggang sa huling hantungan ng kaluluwa.









Kuwento ni Rose Flores – Martinez



30 Piling Kuwento 2003



Editor: Danilo S.Meneses



Introduksiyon ni : Reynaldo S. Duque









/posted 10.07.2009



rosalinda flores - martinez
KATINIG Writers


http://iwrotefiction.blogspot.com